Saturday, November 17, 2018

Pagsasauli ng balangiga bells, Pres Duterte posibleng bumisita sa US


Malaki ang posibilidad na bumisita sa Estados Unidos si Pangulong Rodrigo Roa Duterte kapag naibalik na sa Pilipinas ang tatlong Balangiga Bells na kinuha ng mga Amerikano bilang “war booty” noong Philippine-American War.

Sinabi ni Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin na ang pagsasauli ng Balangiga Bells ang naging kondisyon ni Pangulong Duterte para tanggapin ang paanyaya ng Washington na bumisita siya sa Amerika.


Aniya, isang ngiti aniya ang isinagot sa kanya ni Pangulong Duterte nang ipaalala sa kanya ang nasabing kondisyon kasunod ng pasya ng Amerika na ibalik sa Pilipinas ang Balangiga Bells kamakailan.

Sinabi pa ng Kalihim na ipinabatid niya kay US Ambassador Nikki Hailey noong nakaraang taon ang nasabing kondisyon ni Duterte para tumapak sa Amerika at makalipas ang isang taon ay ibinalita sa kanya na pumayag si Defense Secretary James Mattis sa isyu.

“I mean, ‘You know, Sir, now that we’re getting the bells,’ and in the context of my conversations with Hailey… He smiled,” ang pahayag ni Sec. Locsin.

Matatandaang, ipinababalik ni Pangulong Duterte sa mga Amerikano ang tatlong Balangiga Bells na ninakaw ng US bilang premyo sa giyera matapos ipag-utos ni US General Jacob Smith na patayin ang lahat ng kalalakihang edad 10-anyos pataas sa Samar nang mapaslang ng mga Pilipino ang 46 sundalong Amerikano noong Fil-Am war.

Sinasabing, ang dalawang bells ay nasa US military base sa Cheyenne, Wyoming at ang isa ay nasa museum sa South Korea.

No comments: